-- Advertisements --

Maaari pa ring magbitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte bago magsimula ang kaniyang impeachment trial ngayong Lunes, Hulyo 6, ayon kay Atty. Howard Calleja.

Kasunod ito ng naging hakbang ng mga dating na-impeach na sina dating Ombudsman Merceditas Gutierrez noong 2011 at dating Commission on Elections (Comelec) Chair Andres Bautista noong 2017.

Sinabi ni Calleja na maaari pa ring piliin ng Bise Presidente ang magbitiw kahit naisumite na ang Articles of Impeachment sa Senate Impeachment Court.

Subalit, ikinatwiran naman ni Bayan Muna Chair at Atty. Neri Colmenares na hindi matatakasan ng Pangalawang Pangulo ang mga pananagutan ng impeachment sa pamamagitan lamang ng pagbibitiw.

Aniya, ang sinumang impeachable official na nagbitiw ay hindi makaliligtas sa habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng tungkulin sa gobyerno. Dagdag pa niya, sa sandaling maipasa ang Articles of Impeachment sa Senado, itinuturing na itong pagtanggap sa reklamo, kaya’t mananatili pa rin ang parusang habambuhay na diskwalipikasyon at hindi lamang basta pagkatanggal sa puwesto.