Naniniwala si dating presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo na magreresulta sa tuluyang pagkabuwag na nararapat lamang para sa International Criminal Court (ICC) ang pagkalas ng mga bansang miyembro nito.
Ginawa ng abogado ang pahayag kasunod ng inilunsad ng Estados Unidos na “whole-of-government campaign” upang puwersahin ang ibang bansa na humiwalay sa ICC, dahil sa banta umano nito sa pambansang soberaniya.
Suportado naman ni Panelo ang inilunsad na kampanya ng administrasyon ni U.S. President Donald Trump para buwagin, i-isolate, at tanggalan ng suporta ang international tribunal.
Ayon sa dating government official, panahon na para matigil ang pambubully ng ICC.
Binigyang-diin ni Panelo na ang ginagawang pag-usig ng ICC sa mga bansang hindi naman miyembro nito, tulad ng Pilipinas at Amerika, ay isang ilegal at mapanghimasok na aksyon.
Isa aniyang halimbawa ng ilegal na panghihimasok ng ICC sa mga bansa na hindi miyembro ng tribunal ay ang “ilegal at hindi mapapatawad” na pag-aresto at pagkulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague sa pakikipagtulungan ng administrasyong Marcos Jr.
Kayat ang mga ganitong ilegal na aksiyon ng ICC laban sa mga hindi nito miyembro ay dapat nang matigil sa anumang paraan.
Samantala, dumistansiya naman ang pamahalaan ng Pilipinas sa hakbang na ito ng Amerika. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang polisiya ng United States ay labas sa kontrol ng Pilipinas subalit kanilang iginagalang ang posisyon ng US. Mananatili naman aniyang nakatutok ang bansa sa sarili nitong mga batas.
















