-- Advertisements --

Inihayag ni human rights lawyer Atty. Neri Colmenares sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na ang paglilinaw sa 2/3 vote threshold sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ay mahalaga upang maprotektahan ang publiko mula sa mga tiwaling opisyal.

Ayon kay Colmenares, lalo na umano’t walang malinaw na probisyon sa Konstitusyon kung ang 2/3 threshold ba ay nakabase sa kabuuang bilang ng mga aktibong senador o kasama pa rin ang mga wala sa tungkulin.

Matatandaang sa ika-23 araw ng impeachment trial, hiniling ni Senator-Judge Erwin Tulfo na linawin ang isyung ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng ilang miyembro ng Senado.

Sa ngayon, nakakulong sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Rodante Marcoleta dahil sa kasong plunder, habang nagtatago naman si Senator Bato dela Rosa kasunod ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Bukod dito, nasa labas din ng bansa at naka-medical leave si Senator Loren Legarda na hindi pa matukoy kung kailan makakabalik sa trabaho.

Binigyang-diin ni Colmenares na hindi makatarungang ibilang ang boto ng mga absent na senador lalo’t hindi naman nila personal na napakinggan ang mga ebidensya at testigong iniharap sa korte upang maging basehan ng kanilang magiging hatol.

Paliwanag pa niya, dapat manatiling epektibong anti-corruption mechanism ang Senado upang hindi madiktahan ng pulitika o anumang pansariling interes ang pagpapanagot sa mga abusadong opisyal.

Samantala, kaugnay ng opening statement ni Senate President Chiz Escudero na kinakailangan ang 16 na boto o 2/3 ng kabuuang Senado para ma-impeach ang isang opisyal, sinabi ni Colmenares na sa halip na mag-amend ng bagong rules, pwedeng maghain ng mosyon ang sinumang senador upang baguhin ito base sa desisyon ng majority ng mga senador.

Inaasahang magkakaroon ng deliberasyon at opisyal na pagboto ang Senado sa usaping ito sa mga susunod na araw upang tuluyang maayos ang panuntunan bago ang huling paghatol laban kay Duterte.