Posibleng dulot ng superflu ang pagtaas ng kaso ng pneumonia sa mga ospital ayon sa isang eksperto.
Sa ngayon, ayon sa Department of Health (DOH), may 63 kumpirmadong kaso ng superflu sa bansa, bagama’t nakarekober na ang mga ito.
Paliwanag ni health reform advocate na si Dr. Tony Leachon na napansin ang pagtaas ng naaadmit na pasyente sa ospital dahil sa pneumonia, kung saan marami sa mga ito ay maaaring nag-umpisa bilang kaso ng superflu.
Karaniwan aniya sa mga naadmit na pasyente ay may underlyimng o comorbid conditions at dinadala sa mga ospital nang may komplikasyon gaya ng pneumonia, tubig sa baga o paglala ng kanilang dating sakit.
Maaari aniyang konektado ang pagtaas ng kaso ng pneumonia sa bagong influenza subclades kabilang ang H3N2 at iba pang variants, na hindi pa ganap na sakop ng kasalukuyang mga bakuna.
Hindi aniya tulad ng ordinaryong flu na karaniwang nangangailangan lamang ng pahinga at hydration, ang super flu ay tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo, na kadalasang nangangailangan ng medical consultation at sa ilang kaso, kailangan ng oral antibiotics dahil sa secondary bacterial infections.
Kayat, binigyang diin ni Dr. Leachon na may sapat na basehan umano para manatiling alerto ang publiko. Sa oras din aniya na maglabas ng advisory ang DOH, ikokonsidenra ang sitwayson bilang isang national concern.
Samantala, payo ni Dr. Leachon sa publiko na ugaliin ang basic health measures, gaya ng pagsusuot ng face mask, paggamit ng alcohol o hand sanitizer at pag-iwas sa matataong lugar. Hinimok din niya ang mga may sintomas na lagpas na sa pitong araw na magpatingin na sa doctor.
Hinimok din ang publiko na magpabakuna lalo na sa mga indibidwal na may mahinang immune system, hypertension, sumasailalim sa dialysis at may ibang comorbidities.















