-- Advertisements --

Malaki ang ibinaba ng mga kaso ng dengue na naitala mula Enero 4 hanggang 24, 2026, kung saan umabot lamang sa 7,471 ang kumpirmadong kaso sa buong bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Noong nakaraang taon, umabot sa 25,652 kaso ng dengue ang naitala, mahigit tatlong beses na mas mataas kumpara ngayong taon.

Dahil sa mataas na bilang noon, inilunsad ng DOH ang mas pinaigting na kampanyang kontra-dengue na kilala bilang “Taob, Taktak, Tuyo at Takip”, na layong wasakin ang mga pinangingitlugan ng lamok na Aedes aegypti, ang pangunahing nagdadala ng dengue virus.

Sa kasalukuyan, tinataya ng DOH na epektibo ang naturang kampanya matapos maitala ang 71 porsiyentong pagbaba ng kaso ng dengue sa bansa noong Enero kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon sa kagawaran, malaking tulong ang aktibong pakikilahok ng mga komunidad, lokal na pamahalaan, at mga health worker sa pagpapatupad ng kampanya.

Gayunpaman, binibigyang-diin ng DOH na hindi pa rin dapat magpaka-kampante ang publiko, lalo na’t patuloy ang pabago-bagong lagay ng panahon na maaaring magdulot ng pagdami ng mga lugar na naiipunan ng tubig.

Payo ng kagawaran sa publiko na samantalahin ang mga oras na hindi umuulan upang maglinis ng paligid, regular na isagawa ang taob, taktak, tuyo at takip sa lahat ng lalagyan ng tubig sa loob at labas ng bahay

Dagdag pa ng DOH, mahalaga ang maagang pagpapakonsulta upang maiwasan ang komplikasyon ng dengue. Agad na magtungo sa pinakamalapit na health center o ospital kung makaranas ng mga sumusunod na sintomas: biglaang lagnat, pagpapantal sa balat, pananakit ng katawan, kalamnan, at kasu-kasuan, pananakit sa likod ng mga mata, pagkahilo at iba pang sintomas.