Ibinunyag ng Office of the Ombudsman na sila’y mayroong hindi makita sa natanggap o naiturn-over ng kompyuter o gadget ng yumao at dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways na si Maria Catalina Cabral.
Ito mismo ang ibinahagi ng kasalukuyang tanod-bayan na si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla sa naganap na pulong-balitaan ngayong araw.
Aniya’y ang naturang kompyuter na ginamit ni Cabral na pagmamay-ari ng gobyerno, naglalaman ng mga dokumento ay nadiskubreng kulang o may nawawala.
Ito’y kasunod nang kanilang mabuksan ang ipinasang ‘gadget’ ng Department of Public Works and Highways sa kanila kamakailan.
Dahil rito’y sinabi ni Ombudsman Remulla na ang kanilang tinungo o kinuha na lamang ay ang mga dokumentong nakapaloob sa ‘cloud’ nito.
Dagdag pa ni Ombudsman Boying Remulla na alinsunod rito’y inaayos na ng ahensya ang naturang isyu o nadiskubreng may nawawalang parte ng ‘Cabral Files’.
Nagkaroon raw kasi ng pagkalito o ‘confusion’ sa naturang ‘files’ kung kaya’t kasalukuyan na itong inaayos o nireresolba ng Ombudsman.
Pagtitiyak naman ng opisyal na patuloy nilang iniimbestigahan ang patungkol rito at hindi na nagbahagi ng karagdagang detalye.
Kaugnay pa rito’y aminado si Ombudsman Boying Remulla na ang naturang mga dokumento nakapaloob sa kompyuter ng yumaong si Cabral ay problema ang mapa-authenticate ito.
Kanyang sinabi na hindi siya makapagbibigay ng ‘evidentiary value’ o kung ano ang halaga at importansya maibabahagi ng ‘Cabral files’ sa pagbuo ng kaso.
Ang ‘chain of custody’ raw kasi sa nabanggit na mga dokumento ay ang siyang nakikitang isyu o problema ng Ombudsman.
Sa kabila nito, maari naman raw magamit ang anumang makita bilang ‘gabay’ sa imbestigasyon at hindi direktang bilang ‘ebidensya’ sa isasampang kaso.
















