Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang banta sa buhay ni Cebu Governor Pamela “Pam” Baricuatro.
Ayon sa ulat, may pabuyang P2.5 million laban sa gobernador, kung saan isang killer mula Mindanao ang umano’y kinontrata para isakatuparan ang krimen, na plano umanong gawin sa labas ng Cebu.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na iniutos na niya sa mga intelligence unit na imbestigahan ang banta sa buhay ng gobernador.
Aniya, pinakilos na ang mga tauhan sa rehiyon hindi lamang para palakasin ang mga hakbang sa seguridad kundi pati na rin upang matukoy at habulin ang lahat ng nasa likod ng naturang banta.
Dagdag pa ng hepe ng pambansang pulisya na iniutos din niya ang pagpapadala ng karagdagang tactical personnel upang matiyak na walang puwang o butas sa seguridad ng gobernador.
Tiniyak din niya sa publiko na patuloy na pinapalakas ng PNP ang koordinasyon sa mga lokal na awtoridad at pinanatili ang malinaw na presensya sa lahat ng lugar na madalas puntahan ni Baricuatro.
Samantala, sinabi ni Nartatez na ang parehong hakbang sa seguridad ay ipinatutupad rin para sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na nakakaranas ng kaparehong pananakot o banta habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.












