Inatasan na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng police units sa buong bansa na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) sa pagsasagawa ng active shooter drills sa mga pampubliko at pribadong paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas sa seguridad kasunod ng marahas na pamamaril sa loob mismo ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., naatasan na ang mga local police commander na makipagtulungan sa mga tanggapan ng DepEd at school administrators para matiyak ang partisipasyon at presensiya ng pulisya sa kasagsagan ng naturang pagsasanay.
Sinabi ng hepe ng pambansang pulisya na layunin ng drills na magkaroon ng praktikal na kaalaman ang mga mag-aaral at guro kung paano rumesponde sakaling may armadong pag-atake sa loob ng paaralan.
Nauna naman nang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na maglalatag ang naturang pagsasanay ng standard protocols sa mga paaralan na siyang susundin sakaling magkaroon ng pamamaril, upang agad na makaresponde ang mga opisyal ng eskwelahan at maprotektahan ang mga estudyante at staff.














