-- Advertisements --

Nanawagan si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na igalang ang uniporme at tsapa na minsan niyang sinuot bilang dating hepe ng pambansang pulisya sa gitna ng nagpapatuloy na operasyon para matunton siya.

Ayon kay Nartatez, nananatili ang paggalang ng PNP kay Dela Rosa bilang dating pinuno ng organisasyon, ngunit umaasa silang makikipagtulungan ito sa umiiral na legal na proseso kaugnay ng arrest warrant ng International Criminal Court laban sa senador.

Sinabi rin ng PNP chief na mahigpit na sinusunod ng mga pulis ang protocols at human rights standards sa operasyon at inatasan ang mga ground unit na umiwas sa hindi kinakailangang paggamit ng puwersa sakaling matagpuan si Dela Rosa.

Si Dela Rosa ang itinuturong pangunahing arkitekto ng war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at pangunahing nagpatupad ng Oplan Tokhang noong siya pa ang PNP chief.

Hinahanap siya ngayon ng ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa hindi bababa sa 32 umano’y pagpatay mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018.

Noong Mayo 21, iniutos ng Department of Justice sa mga law enforcement agency na arestuhin si Dela Rosa matapos hindi maglabas ng TRO ang Supreme Court laban sa pakikipagtulungan ng gobyerno sa ICC.