-- Advertisements --

Pinaiigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa mga “guerrilla-style” scam hub na umano’y pinatatakbo ng mga natitirang galamay ng mga pinasarang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy nilang bineberipika ang mga intelligence report ukol sa maliliit na network na ito na nagtatago sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bagamat marami na silang nalansag, binigyang-diin ng pinuno ng pambansang pulisya na hindi sila titigil hangga’t hindi tuluyang nauubos ang mga iligal na aktibidad na nagbabanta sa seguridad ng publiko.

Una nang nagbabala si dating House Quad Committee Overall Chair Robert Ace Barbers ukol sa muling pag-oorganisa ng mga sindikatong ito sa mas maliliit na grupo upang makaiwas sa radar ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, nanawagan si Nartatez sa publiko na agad isuplong sa pulisya ang anumang kahina-hinalang operasyon sa kanilang komunidad.