-- Advertisements --

Tiniyak ng House prosecution na mananatili itong nakatuon sa paglalahad ng mga ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng umano’y pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko sa ibang usapin.

Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita at adviser ng prosecution panel, hindi makikipagsabayan ang kanilang panig sa magkakaibang naratibo at sa halip ay patitibayin ang mga inihaharap na ebidensya sa Senate impeachment court.

Sinabi ni Barbers na mahalagang makita ng mga senador-judge at publiko ang kabuluhan ng mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon.

Sa unang linggo ng paglilitis, ipinrisinta ng prosecution ang mga ebidensyang kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment. Kabilang dito ang testimonya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung na nagpatunay sa mga video na ginamit bilang bahagi ng alegasyon laban kay Duterte.