-- Advertisements --

Haharap sa impeachment court si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte upang sagutin ang mga tanong tungkol sa mga transaksiyon ng Davao City government sa kumpanyang may idineklarang pinansyal na interes ang kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Inatasan ng Senate Impeachment Court si Baste na magharap ng mga rekord ng transaksiyon ng Davao City government at Gencorp Industries Inc. mula 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa House prosecutors, kabilang ang Gencorp sa mga kumpanyang idineklara ni Sara Duterte na mayroon siyang pinansyal na interes sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Sinabi ng mga prosecutor na nais nilang malaman kung nagkaroon ng transaksiyon ang Gencorp at Davao City government habang alkalde si Baste at kung paano isinagawa ang mga ito.

Balak din ng prosekusyon na hilingin sa Impeachment Court na ideklarang hostile witness si Baste. Kapag pinagbigyan, maaari silang gumamit ng mas direktang mga tanong sa pagkuha ng kanyang testimonya. Ang desisyon ay nasa Impeachment Court.

Bahagi ito ng Article II ng impeachment case, na nag-aakusa kay Sara Duterte na hindi niya isinuko ang kanyang mga interes sa negosyo at patuloy siyang nakilahok sa mga negosyo habang bise presidente.