Mariing tinutulan ni dating Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang panawagan na ibalik ang “Duterte-style of governance” o ang ‘kamay na bakal’ na istilo ng pamumuno laban sa kriminalidad.
Ito ay kasunod ng karumal-dumal na pananaksak at pagpatay sa isang motorcycle taxi rider sa Caloocan City, na umani ng samu’t saring reaksiyon kung saan may ilang nagsasabing “nakaka-miss” ang istilo ng dating pangulo dahil sa isyu.
Subalit giit ni Barbers, “repeat offender” at may kriminal na tendensya ang suspek.
Tanong niya sa publiko, “Namimiss ba natin ‘yung bawat kanto may patay? ‘Yan ba ang ehemplo ng isang tinatawag na kamay na bakal?”
Binigyang-diin niya na ang mga kriminal ay dapat panagutin sa ilalim ng umiiral na batas at dumaan sa tamang proseso, hindi sa pamamagitan ng pamamaslang sa mga lansangan.
Ayon sa dating mambabatas na nagsisilbi ring tagapagsalita para sa House prosecution panel sa impeachment trial ni VP Sara Duterte, ang reward system noong nakaraang administrasyon ay nagresulta lamang sa korapsyon at ginawang ‘criminal enterprise’ ang pagpapatupad ng batas.
Samantala, tinawag din ni Bicol Sara Party-list Representative Terry Ridon na hindi katanggap-tanggap ang pagbabalik sa pamamahalang may extrajudicial killings.
Aniya, dumaan man tayo sa ‘war on drugs’ noon, hindi ito dapat maging dahilan para isantabi ang due process at ang batas.
Ayon kay Ridon, ang hustisya ay dapat laging nagmumula sa tamang proseso at pagpapanagot sa mga kriminal sa ilalim ng batas.















