-- Advertisements --

Pumalo na sa kabuuang 1,113 ang bilang ng mga nasangkot sa road crash noong nakalipas na holiday season matapos madagdagan pa ito ng 68 kaso, ayon sa Department of Health (DOH).

Base sa datos mula sa 10 sentinel hospitals mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 2, 2026, nasa 135 dito ang nakainom ng alak, 965 indibidwal na nasangkot sa aksidente ang hindi gumamit ng safety accessories gaya ng helmet at seatbelt habang nasa 787 naman ang nasangkot sa motorcycle road crash.

Kung saan lima mula sa 7 indibidwal na sakay ng motorsiklo ang binawian ng buhay habang dalawa ang nasawing pedestrians.

Ang kabuuang bilang ng road crash accidents ay tumaas ng 82% kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2024.

Bunsod nito, muling nagpaalala ang DOH sa publiko na ugaliing magsuot ng helmet kapag nagmomotorsiklo at seatbelt para sa mga nagmamaneho at pasahero ng sasakyan, iwasan din ang pagmamaneho nang pagod o lasing, sundin ang itinakdang speed limit at road signs at siguruhing may sapat na tulog bago bumiyahe at iwasan ang paggamit ng cellphone.

Pinapayuhan din ang mga motoristang makaka-engkwentro ng aksidente sa kalsada na agad tumawag sa 911 emergency hotline o sa 1555 DOH emergency hotline.