Tahasang inihayag ni Senator Imee Marcos na ang deklarasyon ni Vice President Sara Duterte sa pagtakbo bilang Pangulo sa 2028 ay pormal na tugon sa panawagan ng kanyang mga taga-suporta at pagkumpirma sa pangamba ng kanyang mga kritiko.
Ayon sa senadora, bitbit ng Bise Presidente ang solusyon sa mga kinakaharap na problema ng bansa at nagsisilbing kabaligtaran o opposite”ng kasalukuyang administrasyon.
Binigyang-diin ni Marcos na taglay ni Duterte ang tapang at malasakit ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na sinamahan ng malawak na karanasan sa pagtulong sa mahihirap at marginalized sector.
Sa kanyang pahayag, sinabi nitong: She has a solution, patungkol sa kakayahan ng Bise Presidente na mamuno.
Ang pahayag ng senadora ay kasunod ng pormal na pag-anunsyo ni VP Sara ng kanyang kandidatura, kung saan nangako itong ibabalik ang serbisyong may puso para sa bawat pamilyang Pilipino.
Samantala, maiksi ngunit makahulugan naman ang naging tugon ni Senator Risa Hontiveros kaugnay sa deklarasyon ni Vice President Sara Duterte na sasabak ito sa presidential race sa taong 2028.
Sa halip na magbitiw ng direktang kritisismo o mahabang pahayag, binigyang-diin ng Deputy Minority Leader ang konsepto ng malayang pagpapasya o free will ng isang indibidwal.
Ayon sa senadora, karapatan ng sinuman ang magdesisyon para sa kanilang sarili.














