Naniniwala si dating Albay Representative Joey Salceda na isang “misguided gamble” o maling pagsusugal ang maagang pag-anunsiyo ni VP Sara Duterte ng
kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Ayon kay Salceda, hindi napapanahon at hindi kinakailangan ang naturang pahayag dahil mananatili sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr hanggang June 2028.
Si Salceda ay minsang nangampanya at nagtaguyod sa pambansang ambisyon ni Duterte noong 2022.
Sa isang media forum sa Quezon City, sinabi ni Salceda na bagama’t nakatrabaho niya si Duterte noon, maituturing niyang “ill-advised move” ang maagang pagdedeklara ng kandidatura.
Aniya, mas nagiging malakas ang isang presidential bid kung ito ay nagmumula sa kusang panawagan ng publiko at hindi sa maagang pagpoposisyon.
Ipinunto rin niya na noong 2022 ay isa siya sa mga nag-udyok kay Duterte na tumakbo sa pagkapangulo.
Kamakailan ay inanunsiyo ni Duterte ang kanyang planong pagtakbo sa 2028 sa gitna ng mga impeachment complaint na inihain laban sa kanya sa Kamara at ang pagdinig sa International Criminal Court kaugnay sa imbestigasyon sa kanyang ama na si dating Pangulo Rodrigo Duterte hinggil sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kampanya kontra sa iligal na droga.










