-- Advertisements --

Tiniyak ni National National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na handa ang NBI na arestuhin si Senador Jinggoy Estrada kahit nasa loob pa ito ng Senado.

Ginawa ni Matibag ang pahayag matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan nitong Biyernes, Mayo 29, 2026, laban kay Estrada dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects.

Matatandaang sinabi ng Office of the Ombudsman na umabot umano sa P573 million kickbacks ang natanggap ni Estrada mula sa naturang proyekto.

Iginiit din ng Ombudsman na “no bail” ang ipinataw na plunder case sa senador, dahilan upang hindi ito agad makapagpiyansa kaugnay ng naturang kaso.

Sa isang pulong balitaan, inihalintulad pa ni Matibag ang sitwasyon sa naging pagtatangka ng mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant laban kay Senador Ronald dela Rosa noong Mayo 11, 2026.

Dagdag pa ng NBI chief, kung pagbabatayan umano ang argumentong may lokal na warrant ang akusado, malinaw na legal ang gagawing pag-aresto kay Estrada kahit nasa loob pa ito ng Senado.

“Along that line of argument, ibig sabihin kahit nasa loob siya ng Senado, he will be arrested and that will be a legal arrest,” saad ni Matibag.

Una nang sinabi ng NBI na may mga nauna nang kaso kung saan naaresto ang mga mambabatas kahit nakaupo pa sa puwesto, kabilang sina dating Senador Leila de Lima, Antonio Trillanes IV, at ang namayapang si Juan Ponce Enrile.