-- Advertisements --

Natagpuan ang isa pang bangkay sa gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga noong Miyerkules ng gabi.

Bandang ala-6:18 ng gabi natuklasan ang bangkay sa Sector 1 ng gusali sa tulong ng canine unit ng Philippine Coast Guard.

Dahil dito pumalo na sa lima ang bilang ng mga nasawi kabilang ang Malaysian national.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, hindi pa rin nila isinasantabi ang posibilidad na may mga nakaligtas pa sa ilalim ng gumuhong estruktura.

Matapos ilipit noong Lunes ang operasyon mula search and rescue patungong retrieval operations dahil wala na umanong makitang senyales ng buhay. Gayunpaman, sinabi ni Remulla na posible pa ring may matagpuang mga survivor.

“There has been instances kasi na two weeks after nahahanap pa rin, katulad ng nangyari sa Baguio. So, for me, I would rather consider a search and rescue… We have not given up hope. Hindi tayo mawawalan ng pag-asa,” pahayag ni Remulla.

Samantala, hindi pa rin lumilitaw ang may-ari ng construction firm na gumagawa sa gusali.

Ayon kay Remulla, maglalabas na sila ng subpoena at hold departure order sa airport laban sa naturang indibidwal.

Nagbabala naman si Acting Labor Secretary Francis Tolentino na maaaring maharap sa kasong kriminal ang may-ari ng kumpanya, kabilang ang paglabag sa Labor Code.

Binanggit din niya ang mga isyu sa safety protocols sa construction site.

“Ang pagkukulang dito ay hindi dapat nagkaroon ng tulugan doon sa loob ng construction site mismo… Dapat may barracks,” ani Tolentino.

Dagdag pa niya, may mga ulat na may mga pamilya umano na nasa loob ng construction site, na aniya ay hindi dapat pinapayagan sa ganitong uri ng trabaho.