-- Advertisements --

Nilinaw ng Korte Suprema na wala pa itong pinal na desisyon sa pangunahing petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Ayon sa kataas-taasang hukuman, ang naibasura pa lamang ay ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) habang ilalabas ngayong Lunes, Mayo 25 ang mga hiwalay na opinyon ng mga mahistrado hinggil dito.

Paliwanag ng Korte Suprema, wala pang ruling sa pangunahing petisyon, taliwas sa mga lumabas na ulat na umano’y may pinal nang ruling base sa naging pahayag ni Senior Associate Justice Marvic Leonen.

Ayon sa SC, inalis umano sa konteksto ang mga naging pahayag ni Leonen sa isang pagpupulong kasama ang Integrated Bar of the Philippines at Mindanao State University sa Marawi, na nakatuon sa Shari’ah at tungkulin ng mga abogado.

Matatandaang noong Mayo 20, ibinasura ng SC sa botong 9-5-1 ang hiling ni Dela Rosa para sa TRO laban sa ICC arrest warrant kaugnay ng war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi pa rin nagpapasya ang SC kung konstitusyonal ang pagpapatupad ng ICC arrest warrant sa bansa.