-- Advertisements --

Sinisi ng lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman ang media sa umano’y maling paglalahad ng Duterte administration sa kampanya kontra ilegal droga.

Ginawa ni Kaufman ang pahayag sa kanyang opening statement sa sa confirmation of charges hearing ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) noong Lunes sa The Hague, Netherlands.

Giit ng abogado, sinosobrahan ng media ang balita tungkol sa kampanya nang hindi na inilalagay ang mga pangyayari sa tamang konteksto.

“Sa sensational na headline at baluktot na editoryal… Binibigyang-diin nila ang nakakagulat na nilalaman habang binabalewala ang totoong konteksto dahil iyon ang nakakatawag-pansin sa mambabasa,” ani Kaufman.

Inakusahan din niya ang media ng paggamit ng mga larawan mula sa drug war para sa shock value at para palakasin ang kanilang sariling kuwento.

“They print their glossy reports, replete with iconic photographic images of grieving families and dead bodies in rain-swept nighttime crime scenes, all dramatically illuminated with the fluorescent glow of neon,” ani Kaufman.

Ngunit nanindigan naman ng mga prosecutor sa korte na si Duterte ay “pivotal” o may malaking papel sa mga pagpatay na konektado sa kampanya kontra ilegal na droga at hinikayat ang ICC na payagan ang kaso na magpatuloy sa paglilitis.

Mayroon pang hanggang 60-araw ang mga hukom ng ICC para magdesisyon kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang kaso sa korte.