-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Erwin Tulfo ng masusing pagrepaso ng Senado sa implementasyon ng mga umiiral na batas para sa persons with disabilities (PWD), partikular ang Batas Pambansa Blg. 344 o Accessibility Law at Republic Act 7277 o Magna Carta for PWDs.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 186, inatasan ang kaukulang komite na magsagawa ng oversight upang matiyak na naipatutupad nang maayos ang mga probisyong nagtitiyak ng access ng mga PWD sa transportasyon at mga gusali. Ayon kay Tulfo, nananatiling kulang ang maraming imprastraktura sa accessibility features, dahilan upang malagay sa panganib ang kaligtasan ng mga PWD.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang patuloy na problema sa mga footbridge at public transportation na hindi PWD-friendly. Giit niya, hindi dapat aprubahan ang mga proyekto o building permit kung walang sapat na accessibility design.

Bukod dito, isinusulong din ni Tulfo ang lifetime validity ng PWD IDs para sa may permanent disabilities, upang hindi na sila mahirapan sa paulit-ulit na renewal. Nanawagan din siya ng depoliticized at centralized PWD registry upang matiyak na ang tulong ng gobyerno ay napupunta sa tamang benepisyaryo. (Report by Bombo Jai)