Binabalak ng Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng mga tiyak na lugar bilang pamilihan ng paputok ngayong nalalapit na selebrasyon ng Bagong Taon.
Ayon kay PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan na ang mga hepe ng kapulisan sa buong bansa sa mga Local Government Unit (LGU) upang matukoy ang mga posibleng lugar na maaaring gawing pamilihan. Aniya, magiging epektibong hakbang ang pagtatalaga ng espesipikong lugar para sa mga nagbebenta ng paputok dahil mas mapadadali nito ang pagmomonitor, at mas mabilis nilang matutukoy kung alin ang legal at ilegal na produkto.
Dagdag pa ng PNP Chief, lahat ng nagbebenta sa labas ng mga nakatalagang lugar ay ituturing na ilegal at hindi awtorisado.
Ang hakbang na ito ay kaugnay ng bagong datos mula sa Department of Health (DOH), kung saan naitala ang hindi bababa sa 28 kaso ng insidente ng paputok mula Disyembre 21 hanggang 25.
Samantala, tiniyak ni Nartatez na lahat ng itatalagang lugar o gagawing pamilihan ng paputok ay babantayan ng pulisya, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) na siyang magiging unang reresponde sakaling may mangyaring hindi inaasahan.















