Naniniwala ang Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi nakatutulong sa “maayos at masiglang” relasyon ng Pilipinas at China ang pagbabawal ng Beijing sa pagpasok ng mga opisyal ng Kalayaan, Palawan.
Ipinagbawal ng China ang pagpasok ng 16 na opisyal ng Kalayaan, kabilang ang Hong Kong at Macao, matapos ideklarang persona non grata ng lokal na pamahalaan ang Chinese Ambassador na si Jing Quan dahil sa umano’y paglabag sa diplomatic protocol at panghihimasok sa internal affairs ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, bagama’t karapatan ng isang bansa ang magpatupad ng travel ban, hindi ito nakatutulong sa pagpapalakas ng bilateral relations at people-to-people exchanges na kapwa ipinangako ng Pilipinas at China.
Ang Kalayaan ang nag-iisang munisipalidad ng Pilipinas na matatagpuan sa West Philippine Sea. Patuloy namang inaangkin ng China ang halos buong karagatan sa kabila ng international ruling na nagsasabing walang legal na batayan ang kanilang claim.
Sa mga nagdaang taon, tumindi rin ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa mga insidente sa dagat, kabilang ang banggaan at paggamit ng water cannon laban sa mga barkong Pilipino.
















