-- Advertisements --

Dapat umanong tiyakin ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga mamamayan ng Kalayaan Island Group na hindi sila itatakwil o aabandonahin kailanman.

Ito ay kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na ‘i-give-up’ na lamang ang KIG.

Ayon kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, karapatan ng mga mamamayan ng naturang munisipalidad na marinig ang pagtitiyak ng gobiyerno ng Pilipinas na hindi sila papabayaan, lalo at sila ay nasa bulnerableng lugar sa pinagtatalunang karagatan.

Kailangan din aniyang ipakita sa kanila ng Philippine government na sila ay proprotektahan, tulad ng pagprotekta ng Pilipinas sa lahat ng teritoryo nito.

Ayon sa retiradong mahistrado, hindi akma na sabihing walang West Philippine Sea sa ilalim ng Philippine law, lalo na kung magmumula ito sa isang senador ng bansa. Mistulang binura na rin aniya ng naturang senador ang mga mamamayan ng naturang munisipalidad na malaya at masayang naninirahan sa naturang coastal town.

Maalalang tinanggap ni Justice Carpio ang hamon ni Sen. Rodante Marcoleta na magdebate ukol sa isyu ng West Philippine Sea.

Nang matanong ang dating mahistrado ukol sa kaniyang desisyon na makipagdebate, sinabi niyang nais niyang maipakita sa mga Pilipino na mayroong WPS, taliwas sa claim ni Marcoleta, at mayroong sapat na batas na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.

Umaasa si Carpio na sa pamamagitan ng debate ay matitiyak sa mga mamamayan ng munisipalidad ng Kalayaan na sila ay bahagi ng Pilipinas, at hindi katanggap-tanggap ang pahayag na ‘i-give-up’ ang kanilang lugar.

Nais ng dating Supreme Court justice na patunayan sa buong bansa na ang West Philippine Sea ay pag-aari ng Pilipinas at hindi dapat abandunahin ang alinmang bahagi nito.