Nanindigan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang umano’y leaked documents ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 2026 ay walang nakapaloob na mga matibay at totoong mga impormasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na nakarating sa kanilang tanggapan ang mga ulat ng mga umano’y hindi otorisadong pagsisiwalat ng mga dokumento na may kaugnayan sa paghhanda ng Pilipinas para sa magiging pagho-host nito ng ASEAN Summit 2026.
Batay aniya sa kanilang inisyal na pagtataya, ang mga dokumento ay pawang mga paghahanda at administratibo at hindi aniya kabilang dito ang mga mahahalagang dokumento o papeles hinggil sa mga agenda ng ASEAN, mga official deliberations hinggil dito o kahit pa ang mga talakayan para sa mga polisiya o patakaran na may kaugnayan sa summit.
Maliban dito, tiniyak rin ng DICT na wala pa namang indikasyon sa ngayon sa kanilang sistema na ang mga plataporma at iba pang mga classified deliberative materials hinggil sa ASEAN ay kasalukuyan nang nakompormiso.
Samantala, tiniyak naman ng DICT na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) at siniguro rin na mas paiigtingin pa ang pagpapatibay ng cybersecurity measures para sa ASEAN 2026 para sa seguridad nito.













