-- Advertisements --

Nagiwan ng babala si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III sa mga personalidad na nasa likod ng pagkakalat ng mga AI-generated videos sa mga social media platforms para gumawa ng mga hindi berepikadong mga online content.

Ani Torre, masyado nang nakakabahala ang paglago ng mga ganitong content sa social media para gamitin para makapagpakalat ng mga maling impormasyon at makapanloko ng kapwa gaya ng pekeng investment schemes at iba pang uri ng mga panloloko.

Matatandaan naman na nito lamang ay kumalat ang mga videos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ilan pang personalidad at tinukoy ito ng hepe bilang mga AI-generated videos.

Kasunod nito ay tiniyak naman ni Torre na patuloy nang nakikipagugnayan ang kanilang hanay sa panig ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para makabuo ng programa na siyang susugpo sa ganitong mga maling paggamit at pagabuso sa kapangyarihan ng teknolohiya.

Samantala, nagpaalala naman ang hepe sa publiko na pag-isipang mabuti ang mga nakikita sa social media bago maniwala sa mga larawan at videos na nangangakong makakakuha sila ng pera ng walang ginagawa para maiwasan na maging biktima ng mga kumakalat na scam.