-- Advertisements --

Nakatakdang magtalaga ng higit sa 100,000 na kapulisan ang Philippine National Police (PNP) para sa inasahang dagsa ng tao ngayong linggo para sa holiday exodus.

Ayon kay Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na layon nito na mabantayan ang mga terminal, transport hubs at iba pang mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko upang magpatupad ng seguridad at tiyaking ligtas ang mga mananakay na magsisisuwian ngayong Pasko ata Bagong Taon.

Mas pinaigting din ang seguridad kumpara sa nakaraang taon kung saan ang deployment ay hindi bababa sa 60,000.

Paliwanag ni Nartatez, ang kanilang deployment ay nakabatay sa kung ano man ang kasalukuyang sitwasuon sa mga komunidad at mga lansangan sa bansa kung saan binigyang diin niya ang kapansin-pansin paglobo ng bilang ng mga tao.

Samantala, tiniyak naman ni Nartatez na ang kanilang mga pulis ay nakaantabay at handang rumesponde hindi lamang sa mga terminals at lansangan ngunit maging sa mga business at residential areas na maiiwan ng publiko sa buong panahon na ito.

Nanawagan naman ang Pambansang Pulisya sa publiko na makibahagi din sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa panahon na ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kani-kanilang mga safety measures.