Ipinagutos ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mas mahigpit na imbestigasyon hinggil sa naganap na shooting incident sa Sibulan, Negros Oriental na naging dahilan ng pagkakasawi ng apat na indibidwal kabilang na ang tatlong pulis.
Ayon kay Nartatez, dapat lamang na ang isasagawang imbestigasyon ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR) ay kayang masagot ang lahat ng anggulo sa insidente at binigyang diin na wala dapat maging pagtatago o cover up sa magiging malalim na pagsilip ng mga imbestigador sa pangyayari.
Pinaalalahanan din ng hepe ang mga commanders na magpatupad ng mas striktong pagbabantay sa kanilang mga tauahan para mapanatili ang disiplina sa kanilang hanay.
Dapat din aniyang nagsasagawa rin ng sapat na monitoring ang mga ito sa kanilang mga nasasakupan at agad na kumilos kung mayroong mamamataang gagawa ng mga paglabag o misconduct sa kanilang mga tauhan.
Samantala, magugunita naman na nito lamang Biyernes ng gabi ay nagkaroon ng isang shooting incident sa isang bar sa Sibulan na kinasangkutan ng isang pulisna namaril ng isang babae at tatlong pulis.
















