Hinamon ni Senator Robin Padilla ang political analyst na si Ronald Llamas noong Sabado na tumakbo sa halalan upang patunayan ang kanyang kakayahan, imbes na magbigay lamang ng kritisismo.
Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Padilla ang kanyang paninindigan sa pagpili ng mga kandidato na hindi mayayaman, kilala, o galing sa political dynasties, at binigyang-diin na ang kanyang adbokasiya ay para sa lahat ng public figures, hindi lamang sa mga artista.
Tinanong din niya ang kredibilidad ni Llamas, na ayon sa ulat, ay nahuling bumibili ng pirated DVDs.
“Bawas bawasan niyo po ang pangungutya, mainam ay tumakbo po kayo para mapatunayan niyo din ang kakayahan niyo manalo,” ani Padilla.
Ang post ay kasunod ng pahayag ni Llamas na si Padilla ay isa sa mga dahilan ng pagkatalo ng ilang celebrity candidates sa 2025 midterm elections, at ang prediksyon nitong hindi makakamit ni Padilla ang top spot sa mga susunod na halalan.
Naunang inihayag ni Mariel Padilla, asawa ng senador, na nagdesisyon si Robin na hindi na tatakbo sa 2028 elections, dahilan ang kabagalan ng mga proseso ng pamahalaan at ang kanyang pakiramdam na minsan ay “hindi siya karapat-dapat sa publiko.”
Dagdag pa ni Padilla, hindi kailangan ng analyst upang makita na mahirap makuha muli ang number one spot sa Senado, dahil sa kasaysayan ng senado, walang senador ang nakapagtop ng magkasunod sa re-election.
Maalalang si Sen. Padilla, na isang vocal supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nanumpa noong Hunyo 2022. Nakamit niya ang higit 26 milyong boto, ang pinakamataas sa 63 kandidato, at siya rin ang kauna-unahang Filipino Muslim senator sa loob ng 30 taon mula kay Santanina Tillah Rasul ng Sulu na naglingkod hanggang 1992.
















