-- Advertisements --

Sumampa na sa 12 ang bilang ng mga nasawi dahil sa dulot ng Tropical Storm Basyang, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado ng alas-6 ng gabi.

Ayon sa OCD, siyam sa mga nasawi ay naitala sa Northern Mindanao (Region X) kung saan apat ang namatay sa landslide sa Cagayan de Oro City, apat din sa Lanao del Norte, habang isa pa ang kasalukuyang bina-validate.

Naitala rin sa Caraga region, ang tatlong nasawi dahil sa pagkalunod, dalawa sa Surigao del Sur at isa sa Agusan del Norte.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang bagyong Basyang ay nag-landfall ng limang beses.

Kung saan umabot pa ito sa tropical storm category bago humina bilang low pressure area bandang alas-2 ng madaling araw noong Sabado at tuluyang na-dissipate bandang alas-8 ng umaga.

Kaugnay nito sa pinakahuling situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 30 barangay sa rehiyon ng Caraga ang binaha, na nakaapekto sa 64,360 pamilya o 232,550 indibidwal sa kabuuang 517 barangay.

Sa bilang na ito, 16,528 pamilya o 53,983 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 480 evacuation centers, habang 4,489 pamilya o 16,807 indibidwal ang tinutulungan ng pamahalaan sa labas ng mga evacuation facility.

Iniulat din ang pinsala sa imprastraktura, kabilang ang tatlong kalsada at dalawang tulay sa Caraga na pawang hindi madaanan.

Bukod pa rito, sinabi ng OCD na 9,532 pamilya o 31,981 indibidwal ang isinailalim sa preemptive evacuation sa iba’t ibang rehiyon. Kabilang dito ang 1,343 pamilya (6,270 katao) sa Negros Island Region, 784 pamilya (2,498 katao) sa Central Visayas (Region 7), at 6,878 pamilya (23,093 katao) sa Caraga.

Samantala, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapamahagi na sila ng mahigit P27 million worth of humanitarian assistance sa mga pamilya na apektado ng bagyo sa buong bansa.