Itinuturing nang resigned o nagbitiw na sa serbisyo sa Philippine National Police (PNP) si dating PNP chief Nicolas Torre III, matapos niyang tanggapin ang posisyon bilang bagong General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nanumpa na rin si Torre sa kanyang bagong posisyon, nito lamang Biyernes, Disyembre 26, 2025.
Ayon kay National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman Rafael Vicente Calinisan, ang pag-upo ni Torre sa MMDA ay nangangahulugang “ipso facto resigned” o awtomatikong bumitiw sa pwesto niya sa kapulisan.
Ang pagbibitiw naman ni Torre ay magbibigay daan para maging ganap ng hepe ng PNP si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at makukuha rin niya ang pinakamataas na ranggong heneral na dating hawak ni Torre.
Si Torre ang unang alumnus ng Philippine National Police Academy na namuno sa PNP, na parte ng “Tagapagpatupad” Class of 1993. Nakilala rin siya sa kanyang mahigit tatlong dekada na serbisyo sa kapulisan.
Naging pinuno rin si Torre ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na isa sa kanyang mga naging mahalagang papel.
Matatandaan, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan si Torre at ang Napolcom ng i-reshuffle ni Torre ang mga senior police officials.
Magpapatuloy sana si Torre sa kanyang pwesto bilang PNP Chief kung tinanggihan niya ang MMDA, hanggang sa umabot siya sa mandatory retirement age na 56 sa Marso 2027.
















