-- Advertisements --

Umani ng matinding pagtutol mula sa iba’t ibang labor groups ang pormal na pagpapatupad ngayong araw, Marso 9, ng our-day workweek sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang mga korte sa bansa.

Ayon sa mga grupo ng manggagawa, hindi ang nasabing polisiya ang tunay na solusyon sa krisis at magdudulot lamang ito ng kalbaryo sa halos isang milyong job order (JO) at contract of service (COS) workers ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Santiago Dasmariñas Jr., presidente ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees, na nasa ilalim ng no work, no pay policy ang mga JO at COS, kaya’t sila ang labis na maaapektuhan ng kaltas sa araw ng pasok.

Bilang alternatibo, iminungkahi ni Dasmariñas ang pansamantalang pagtanggal sa excise tax sa petrolyo at value-added tax sa mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Pumalag din ang Kilusang Mayo Uno sa pamamagitan ni chair Jerome Adonis, na nagsabing magdudulot ng double or triple na pagod sa mga empleyado ang posibleng 12-oras na trabaho kada araw.

Samantala, iginiit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang P200 wage hike at ipag-utos ang pagbibigay ng emergency cost-of-living allowance.

Ang pagpapatupad ng panibagong work setup ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 na inilabas ni Pangulong Marcos noong Marso 6.

Isa itong hakbang upang makatipid sa konsumo ng langis sa gitna ng epekto ng sigalot sa Middle East sa pandaigdigang ekonomiya.