Humingi ng paumanhin ang isang Sangguniang Kabataan (SK) chairperson mula sa Santa Cruz, Laguna matapos ang viral video na kumalat sa social media kung saan makikitang hinawak-hawakan niya nang walang suot na gloves ang mga pagkaing naka-display sa loob ng isang convenience store.
Kinilala ang opisyal bilang si Mark Adrian Napiza, SK chairperson ng Barangay Bubukal. Sa isang pahayag sa kanyang Facebook, inamin niya na hindi tama at hindi nararapat ang kanyang ginawa, lalo na bilang isang halal na opisyal ng kabataan.
“Inaamin ko na ang aking naging kilos sa nasabing video ay hindi tama at hindi po nararapat —kahit na ito po ay ginawa ko lamang bilang biro na parte ng aking video content kasama ng aking mga kaibigan at walang anumang hangad na masamang intensyon,” ani Napiza.
Ayon pa sa kanya, binayaran niya ang lahat ng produktong kanyang nahawakan sa araw ding iyon. Gayunman, kinilala niyang mas malalim ang isyu kaysa sa simpleng pagbabayad.
“Nauunawaan ko na ang issue po ay hindi lamang tungkol sa pagbabayad kundi tungkol sa wastong asal at sa imahe na naipakita at naging dating ng video content na ito sa publiko,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Napiza na personal siyang nakipag-ugnayan sa pamunuan ng tindahan upang humingi ng paumanhin sa pagkuha ng video nang walang pahintulot at sa anumang abalang naidulot nito.
Tinanggal na rin umano niya ang nasabing video matapos mapagtanto ang posibleng epekto nito sa publiko.
Dagdag pa niya, nakatanggap siya ng liham mula sa SK Federation president at naiparating na rin ang usapin sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kanilang bayan.
Ayon kay Napiza, makikipagtulungan siya sa mga kinauukulan at handang tanggapin ang anumang aksyong ipapataw kaugnay ng insidente.
“Inaako ko po ang buong pananagutan sa aking naging pagkakamali,” aniya.
“Naiintindihan ko na bilang isang kabataang lider, ang aking mga kilos, maging sa personal man o opisyal na pagkakataon ay may kasamang responsibilidad at maaaring makaapekto sa tiwala ng publiko.”
















