Binigyang-pugay ni House Committee on Higher and Technical Education Chair Rep. Jude Acidre ang paglulunsad ng “TESDA Skills Passport,” na aniya’y isang napapanahong reporma para sa technical and vocational education and training (TVET) sa bansa.
Ayon kay Acidre, na co-chair din ng EDCOM II, ang nasabing online platform ay direktang tugon sa mga kahinaang natukoy sa ulat ng komisyon upang masolusyunan ang “skills mismatch” at “underemployment” sa hanay ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng Skills Passport ng TESDA, ang mga manggagawa ay maaari nang mag-imbak ng kanilang training records, National Certificates (NC), at competencies sa isang secure na digital platform na magbibigay din ng access sa mga scholarship at job matching.
Inihayag ni Acidre ang ilang pangunahing puntos:
Tulay sa Trabaho: Batay sa EDCOM II report, tumaas sa 58% ang employment rate ng mga TVET graduates mula sa dating 37% matapos ang training, kaya mahalagang gawing mabilis at “portable” ang kanilang mga kredensyal.
Industry-Aligned: Binigyang-diin ng mambabatas na hindi lamang dapat palawakin ang training, kundi tiyaking ang bawat sertipiko ay nagreresulta sa tunay na trabaho na kailangan ng mga industriya.
Hindi “Fallback” Lang: Giit ni Acidre, dapat kilalanin ang TVET bilang isang respetadong landas tungo sa disenteng trabaho at hindi lamang alternatibo kung hindi makakapag-kolehiyo.
“Ang hamon ngayon ay tiyaking ang bawat credential ay humahantong sa tunay na empleyo. Sa pamamagitan ng Skills Passport, mas mapaghahandaan natin ang pangangailangan ng labor market,” ani Acidre.
Isinusulong din ng mambabatas ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act upang mas mapatibay ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan at mga kumpanya para sa apprenticeship at upskilling ng mga manggagawa.
















