-- Advertisements --

Maagang dumagsa ang mga deboto sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o mas kilala bilang Baclaran Church nitong Miyerkules upang makiisa sa paggunita ng Ash Wednesday, kasabay ng Baclaran Day na nagsimula bago pasado alas-5:30 ng umaga.

Mahabang pila ang nabuo sa labas ng simbahan para sa tradisyunal na pagpapahid ng abo sa noo —ritwal na sumasagisag sa pagsisisi at pagpapaalala na ang tao ay nagmula sa abo at babalik din dito.

Para sa maraming Katoliko, ito ay araw ng panibagong simula at pagbabalik-loob sa Diyos.

Kabilang sa mga pumila nanay Amelia, 82, mula sa Batangas. Ayon sa kanya, ngayon na lamang uli siya nakabalik sa Baclaran matapos mag-aya ang kanyang mga apo at anak.

”Niyaya lang ako ng mga apo at anak ko…ngayon na lang ako ulit nakabalik kasi kagagaling lang ng aking tuhod,” ani Amelia.

Dagdag pa niya, mahalaga sa kanya ang araw na ito dahil dito aniya niya binigyang panalangin ang ilang mga pag-subog niya sa kalusugan at pamilya.

PAGHAHANDA SA 40-ARAW NG KUWARESMA

Bukod sa pagdalo sa Misa ngayong Ash Wednesday, naghahanda rin ang mga deboto para sa 40-araw ng panalangin, pag-aayuno, at pagsasakripisyo.

Kasabay nito, inaanyayahan din ang mga mananampalataya na mag-ayuno at umiwas sa pagkain ng karne.

Sa ilalim ng panuntunan ng Simbahan, pinahihintulutan ang isang buong pagkain at dalawang magagaan na kainan, basta’t hindi ito katumbas ng isa pang buong pagkain.

Sa kabila ng dami ng tao tuwing Baclaran Day, nananatiling tahimik at taimtim ang pagpasok ng mga deboto sa simbahan —isang sama-samang paglalakbay ng pananampalataya na nananatiling personal para sa bawat isa.

ISKEDYUL NG MGA MISA

Upang matugunan ang dagsa ng mga mananampalataya, nagpatupad ang Quiapo Church ng sunod-sunod na Misa mula alas-5:30 ng umaga hanggang 12:15 ng tanghali. Mayroon ding mga Misa sa 1:30 ng hapon hanggang 8:15 ng gabi.

Inaasahan ng pamunuan ng simbahan na magpapatuloy ang pagdagsa ng mga deboto sa mga susunod na araw bilang bahagi ng taimtim na paggunita sa Kuwaresma.