-- Advertisements --

Inaasahang makararanas ng maulap na papawirin at mga panaka-nakang pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Ash Wednesday dahil sa umiiral na northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa weather bulletin ng PAGASA nitong Miyerkules, Pebrero 18, sinabi ng state weather bureau na lumakas ang amihan at patuloy na nakaaapekto ito sa Luzon, habang ang easterlies naman ang nakaaapekto sa Mindanao.

Ayon pa sa weather bureau, magdadala ang amihan ng maulap na papawirin na may kasamang pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, at Camarines Norte.

Samantala, sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated light rains dulot pa rin ng amihan.

Sa Mindanao, partikular sa Caraga at Davao Region, inaasahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms bunsod ng easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko.

Ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.

Dagdag ng Pagasa, wala silang namo-monitor na low-pressure area o anumang weather disturbance sa loob at labas ng Philippine area of responsibility sa kasalukuyan.