Ipinapaalala sa mga mananampalatayang Katoliko ang pag-aayuno o fasting ngayong Miyerkules ng Abo, simula ng panahon ng kwaresma.
Sa isang video message, ipinaalala ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president na si Archbishop Socrates Villegas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan na ang Miyerkules ng Abo at Good Friday o Biyernes Santo ang dalawang mahalagang araw sa panahon ng kwaresma na minamandato ang mga katoliko na mag-ayuno.
Sa pag-aayuno, binigyang diin ng arsobispo ang kahalagahan ng pag-iwas sa pagkain upang ipaalala sa ating sarili na tanging ang Diyos ang kayang makapagpuno ng ating pananabik, uhaw at gutom.
Ito rin aniya ay isang pagkakataon para maramdaman ang pasakit ng ating pagkatao upang ipaalala sa atin na mayroong langit na dapat nating asahan, kung saan wala nang pagdurusa at wala ng kasamaan.
Ipinaalala rin ni Archbishop Socrates na sa gitna ng pag-aayuno ngayong Miyerkules ng Abo, dapat ibahagi sa kapwa ang mga pagkain o biyayang natipid sa pag-aayuno dahil ang tunay na kahulugan ng buhay Kristiyano ay hindi sakrpisyo o pagpapakasakit kundi ang pagtulong, pagmamahal at pagiging mahabagin.
















