-- Advertisements --

Pinangunahan ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang pagdiriwang ng Ash Wednesday sa Cebu Metropolitan Cathedral bilang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma, kung saan hinimok niya ang mga mananampalataya na magbalik sa Diyos nang buong puso.

Sa kanyang homily, binigyang-diin ng arsobispo ang pagpapakumbaba at pagkilala na ang tao ay marupok, ngunit nagiging mahalaga dahil sa pag-ibig ng Diyos.

Ayon kay Archbishop Uy, ang Kuwaresma ay hindi panahon ng pagpapakitang-tao kundi ng tapat na pagharap sa Panginoon at pagbabalik-loob mula sa kasalanan, takot at pag-aalinlangan.

Itinampok din niya ang binanggit sa Ebanghelyo na tatlong mahalagang gawain sa panahong ito kabilang ang taimtim na panalangin, pag-aayuno na may disiplina sa sarili, at tahimik na pagtulong sa mga nangangailangan.

Binigyang-diin pa nito na ang pagpapaliban ng pagbabago ay maaaring maglagay sa panganib sa kaligtasan ng kaluluwa, kaya ang Kuwaresma ay panawagan sa agarang pagkilos at pagsisimula ng pagbabago ngayon at hindi bukas.

Samantala, bagama’t maraming Pilipino ang naghahangad ng pagbabago sa bansa, iginiit naman ng arsobispo na ang inaasam na pagbabago sa bayan ay magsisimula sa bawat isa.