-- Advertisements --

Umapela ang Catholic Church sa mga Katoliko na makibahagi at isabuhay ang tunay na diwa ng Ash Wednesday, bilang hudyat ng pagsisimula ng 40 araw ng Kwaresma (Lent).

Sa misang pinangunahan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Secretary General Msgr. Bernardo Pantin sa Manila Cathedral, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng dalawang obligasyon ng mga Katoliko na fasting o pag-aayuno at abstinence o pangingilin.

Ipinaliwanag ni Msgr. Pantin na ang fasting ay dapat isagawa ng mga 18 anyos hanggang 59 anyos na Katoliko habang ang abstinence ay para sa mga 14 anyos o higit pa.

Sa pag-aayuno, kakain lamang ng isang full meal sa buong araw. Maaari ring kumain ng dalawang mas maliliit na kainan na kapag pinagsama ay hindi hihigit sa isang full meal.

Sa pangingilin, hindi pinapayagan ang pagkain ng karne tulad ng karneng baboy, baka, at manok habang isda at pagkaing-dagat lamang ang karaniwang kinakain.

Ang mga ito ay mahalagang maisagawa ngayong Ash Wednesday at sa nalalapit na Mahal na Araw bilang pagpapakita ng disiplina sa sarili, spiritual growth, paghingi ng pagpapatawad sa mga kasalanan, at pagpapakita ng pagiging sinsero sa pananampalataya.

Maliban dito, binigyang-diin din ni Msgr. Pantin ang ‘digital media fasting’ na bahagi ng pastoral letter ng CBCP.

Ayon sa Catholic leader, malimit na nakakalimutan ng bawat isa ang kani-kanilang obligasyon sa sarili, obligasyon sa pamilya, at obligasyon sa Simbahan dahil sa masyadong naka-focus sa social media.

Dahil dito, mahalaga aniyang maipailala sa bawat isa na umiwas din sa social media, at maglaan ng oras sa sarili, pamilya, at sa Diyos.