-- Advertisements --

MANILA, Philippines — Iginiit ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na walang saysay ang pangungumpisal at paghingi ng tawad ng mga tiwaling opisyal ngayong Semana Santa kung hindi isasauli ang ninakaw na kaban ng bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Rev. Fr. Vladimir Echalas, research director ng CBCP, binigyang-diin nito na ang tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng malinaw na aksyon. Ayon sa pari, kinakailangan ang integral reconciliation at retribution upang maging ganap ang pagbabago ng mga nasasangkot sa malawakang korapsyon.

Bukod sa isyu ng pagnanakaw sa gobyerno, hinamon din ng opisyal ang industriya ng media at ang publiko na tumindig para sa katotohanan upang labanan ang mapanganib na pagkalat ng fake news, misinformation, at disinformation.

Ipinaliwanag ni Echalas na dapat gamitin ang makinarya ng komunikasyon upang iwasto ang mga kasinungalingang ikinakalat ng mga bayarang trolls. Pinaalalahanan niya ang mga mamamahayag sa kanilang tungkulin, at sinabing “we are empowered” upang matiyak na nangingibabaw ang tama at totoong impormasyon.

Pinayuhan din niya ang publiko na sumangguni lamang sa mga lehitimo at mainstream sources.

Iniugnay ng pari ang hamong ito sa mensahe ng Santo Papa para sa World Communications Day na nananawagan ng preserving human faces and voices. Ayon kay Echalas, sa kabila ng pag-usbong ng AI tulad ng ChatGPT at Gemini, dapat manaig ang pagiging makatao dahil bawat buhay ay sumasalamin sa presensya ng Panginoon.

Samantala, nanawagan din ang CBCP official na itigil na ang mga armadong sigalot sa Gitnang Silangan.

Nagpaabot din siya ng mensahe ng pag-asa para sa mga ordinaryong manggagawa at riders na patuloy na lumalaban sa kabila ng epekto ng krisis sa gasolina.