-- Advertisements --

Inanunsyo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na itataas sa full alert status ang antas ng alerto sa kanilang hanay simula Nobyembre 28 bilang paghahanda sa nakatakdang malawakang pagtitipon para sa Trillion Peso March sa Nobyembre 30.

Ayon kay NCRPO Spokesperson PMaj. Hazel Asilo, naka-hightened alert status naman ang kanilang hanay kasunod nang naging dalawang araw na programa ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand at maging sa Edsa People Power Monument sa pangunguna naman ng United People’s Initiative (UPI).

Ani Asilo, layon ng full alert status na ma-account ang lahat ng uniformed personnel kung sakali man na kailanganin ng karagdagang tauhan sa mga pagdadausan ng mga programa at pagtitipon sa araw na ito.

Maliban sa antas ng alerto at deployment ng pulisya ay nagtalaga na rin ang Manila Police District (MPD) sa bahagi ng Maynila ng mga Civil Disturbance Management (CDM) personnels upang matiyak na mababantayan ang lahat ng mga lugar na posibleng puntahan ng mga rallyista kung sakali.

Samantala, nagsasagawa rin ng mga live monitoring ang NCRPO sa pamamagitan ng mga CCTV para sa mabilis na pagresponde sa mga hindi inaasahang mga insidente sa gitna ng mga magiging programa.

Panawagan naman ni Asilo sa mga rallyista, ang Mendiola ay hindi para sa mga pagtitipon at pagsasgawa ng mga kilos protesta kung saan ito aniya ay kasalukuyang off limits sa mga kahit anumang protesta at aksyon.