Nakapagtala ng 61 na mga firecracker related incidents ang Manila Police District (MPD) sa kabuuan yan ng holiday season sa buong buwan ng Disyembre.
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay MPD Spokesperson PMaj. Philipp Ines, inihayag niya na pinakamaraming naiatalang insidente ang Station 3 sa Sta. Cruz, Manila na mayroong 47 habang 11 naman ang naitala sa Tondo habang isa naman ang namonitor sa Sta Ana at dalawa naman ang naitala sa Jose Abad Santos kung saan isa ang nasawi.
Ayon pa sa tagapagsalita, kasalukuyan pa ring kinukumpirma kung ang mga datos na ito ay mula sa mga ospital.
Dagdag pa ni Ines, hindi kailanman nagkulang ang kanilang himpilan na magbigay ng mga paalala at lahat ng plataporma ay kanila nang nagamit para patuloy na magbigay ng mga alituntunin at paalala sa publiko hinggil sa pagtangkilik at paggamit ng mga iligal na paputok.
Samantala, naging generally peaceful naman ang kabuuang selebrasyon ng salubong ng Bagong Taon sa lungsod sa kabila man ng mga naitalang insidenteng ito.















