Hinimok ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang publiko na maging bukas sa pagpapalaya o ‘letting go’ ngayong buwan ng pag-ibig.
Pati ang pagninilay patungkol sa pagmamahalan ay inimbitahan rin ang mga mamamayan na gawin sa paggunita ng ‘Valentines’.
Ang pamahalaan lungsod kasi ay maglulunsad ng ‘Letters to my TOTGA’ o The One That Got Away sa Paco Park, Maynila.
Magsisimula ito ngayong Pebrero 14, araw ng mga puso, na magtatagal hanggang sa ika-28 ng kasalukuyang buwan, taon 2026.
May ilalaan kasing espasyo o ‘TOTGA Wall’ sa naturang parke kung saan maaaring pagnilayan ng ilan ang pag-ibig, sa pagkabigo man o ‘closure’ sa kanilang minamahal.
Ang konsepto anila’y mula sa istorya ng pagmamahalan nina Jose Rizal at Leonor Rivera na may sitwasyon ‘long-distance relationship’.
Sila’y patuloy o madalas na nagpapadala ng mga sulat sa isa’t isa noon araw subalit nauwi lamang sa paghihiwalayan.
















