Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng trimester system para sa darating na school year 2026-2027 bilang bahagi ng isang “holistic approach” para sa mga estudyante.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng sistema na magkaroon ng mas mahahabang at tuloy-tuloy na pag-tuturo, maayos na pacing ng mga aralin, at mas mababang administrative burden para sa mga guro.
Sa ilalim ng trimester system, hahatiin ang 201 school days sa tatlong term kung saan sa unang term ay magsisismula sa Hunyo hanggang Setyembre; ikalawang term: Setyembre hanggang Disyembre; ikatlong term: Enero hanggang Marso.
Bawat term ay magkakaroon ng 54 hanggang 61 na araw ng pagtuturo, na may minor na pahinga para sa non-academic activities at enrichment blocks.
Ayon sa DepEd maglalabas sila ng policy guidelines ukol sa trimester calendar sa mga susunod na araw matapos makipag-konsulta sa mga stakeholder.
Kasabay nito, itinutulak din ng DepEd ang mga “low-disruption alternatives,” kung saan ang mga school celebrations at observances ay maisasama na sa aktwal outputs ng klase upang maiwasan ang abala sa pagtuturo.














