-- Advertisements --

Sisimulan ng House Committee on Justice sa Marso 2 hanggang 4 ang pagdinig sa apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang kinumpirma ni House Committee on Justice at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Sinabi ni Luistro na unang tutukuyin ng komite kung sapat sa porma at sapat sa nilalaman ang mga reklamo. 

Kapag natapos ang deliberasyon sa porma sa unang araw, agad itong lilipat sa pagsusuri ng nilalaman sa susunod na araw. 

Kung hindi matapos, magpapatuloy ang pagdinig sa kasunod na araw.

Maaari ring ituloy ang mga pagdinig kahit naka-recess ang Kamara, kung kinakailangan. 

Ayon kay Luistro, mahalagang proseso ang impeachment kaya’t hindi ito dapat maantala.

Hindi agad nakapagsimula ang komite ngayong linggo dahil kailangan pang kopyahin at ipamahagi ang mga reklamo sa lahat ng miyembro.

Ipinaliwanag ni Luistro na sabay-sabay tatalakayin ang apat na reklamo sa iisang impeachment proceeding, ngunit hindi muna ito pisikal na pagsasamahin. Magkakaroon lamang ng consolidation kapag natukoy na may probable cause.

Tatalakayin ang bawat reklamo at bawat ground nang hiwalay, ngunit ang pagboto ng mga miyembro ay ibabatay sa kabuuan ng bawat impeachment complaint.

Dagdag pa ni Luistro, kung papasa sa pagsusuri ng porma at nilalaman ang mga reklamo, bibigyan ang respondent ng 10 araw para magsumite ng sagot. 

May tatlong araw ang complainant para mag-reply at tatlong araw din ang respondent para sa rejoinder. 

Isasagawa pagkatapos ang hearing proper bago bumoto ang komite kung may probable cause.

Ayon kay Luistro, posibleng mas tumagal ang proseso dahil apat ang reklamo at maaaring marami ang grounds na pag-uusapan. 

Aniya, ang haba ng pagdinig ay nakadepende kung papasa ang mga reklamo sa itinakdang pamantayan.