-- Advertisements --

Magkasabay na naglunsad ng kani-kanilang pagtitipon sa labas ng International Criminal Court (ICC) ang mga kaanak ng mga biktima ng war on drugs at mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ikinasa ang magkahiwalay na aktibidad nitong Lunes, kasabay ng pagsisimula ng confirmation of charges hearings ng pre-trial chamber ng ICC laban sa dating pangulo.

Sa kabila ng matinding lamig, nagmartsa patungo sa korte at naglunsad ng programa ang mga pamilya ng biktima habang naka-antabay sa livestream ng pagdinig.

Panawagan nila, kumpirmahin ang mga kaso at panagutin si Duterte, pati na ang iba pang sangkot sa umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sa kabilang banda, nagsagawa rin ng sariling programa ang mga taga-suporta ng dating pangulo na nakakuha ng kaukulang permit.

Bitbit ang isang standee ni Duterte, nilinaw nilang hindi ito isang protesta kundi pagpapakita ng suporta. Umaasa ang grupo na ibabasura ng ICC ang mga akusasyon.

Inaasahang magpapatuloy ang mga pagtitipon sa labas ng korte hanggang sa pagtatapos ng pagdinig dakong alas-3:00 ng hapon, oras sa The Hague.