-- Advertisements --

Pinayuhan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Pilipinong manggagawa sa Israel na mahigpit na sundin ang mga abiso ng Philippine Embassy doon kaugnay ng kasalukuyang security situation sa bansa.

‘Yan ay matapos mag-abiso ang Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, na manatili lamang sa ligtas na lugar at maghanda para sa mga inirekomendang shelter ng pamahalaan habang nagpapatuloy ang serye ng pag-atake ang Iran sa bansa.

Matatandaang nag-ugat ang sigalot matapos ang ginawang joint missle attack ng Amerika at Israel, nitong Sabado na hindi naman pinalagpas ng Tehran.

Batay sa DMW hindi bababa sa 30,000 manggagawang Pinoy sa Israel na karamihan ay mga caregiver. Samantalang mahigit 1,000 naman ang mga Pinoy na nasa Iran.

Ayon pa sa embahada, ipinagbabawal sa kasalukuyan ang mga public celebrations at sarado ang lahat ng mga institusyon at tanggapan, maliban sa mga nagbibigay ng mahahalagang serbisyo.

“We encourage all Filipinos to remain indoors and prepare to seek shelter in a mamada if there is an urgent alert,” saad sa abiso ng embahada.

Una rito, kinumpirma ni U.S. President Donald Trump sa isang video na naka-post sa social media na sinimulan ng Amerika ang isang “major combat operations” sa Iran, at inakusahan ang Iran na patuloy sa paggawa ng kanilang nuclear.

“It will be yours to take,” mensahe ni Trump sa mga Iranian.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pa sa kasalukuyan ang naiulat na Pilipinong naapektuhan o nasaktan dahil sa tumitinding sigalot.

Ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang bansang nagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, na may humigit-kumulang 10 milyong skilled at unskilled workers na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya naman lantad sila sa anumang kaguluhan, at maging sa pang-aabuso at unfair labor practices.