Pinaghahandaan na rin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang posibilidad na pagkakasa ng mga kilos protesta ng mga progresibong grupo na matatapat sa paggunita sa Undas sa Nobyermbre.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, inihayag ni NCRPO Spokesperson PMaj. Hazel Asilo na maliban sa Undas, kasalukuyan din nilang minomonitor ang mga posibleng grupo na magsasagawa ng mga pagtitipon sa parehng araw nito.
Aniya, hindi na kasi maiiwasan ang mga ganitong sitwasyon lalo pa’t malaki ang posibilidad na samantalahin ng ilang mga grupo ang mga panahon na ito upang magkasa ng kani-kanilang mga programa.
Kaugnay nito ay may mga inihanda ring reserve force ang NCRPO na siya namang haharap sa mga rallyista kung sakali mang makipagsabayan ito sa Undas.
Sa ngayon wala namang nababantayang mga grupo dahil karamihan sa mga ito ay hindi na kumukuha ng mga kaukulang dokumento gaya ng mga rally permits at malalaman na lamang din aniya na mayroon pa lang mga programa base na lamang din sa kanilang mga iniysal na impormasyon.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa mga posibleng rally, nakahanda ang halos 600 mga tauhan o reserve force mula sa district offices at maging mula sa regional headquarters.
Kasunod nito kinumpirma naman ni Asilo na wala namang namomonitor na kahit anumang klase ng banta ang Pambansang Pulisya para sa araw ng Undas ngunit pagtitiyak ni Asilo, mayroon silang malalim na koordinasyon at pakikipagugnayan sa iba’t ibang ahensya kung sakali man na magkaroon ng biglaang programa ang ilang mga rallyista.
Samantala, tiniyak naman ni Asilo na handang-handa ang kanilang hanay sa ganitong mga sitwasyon at sinuguro na hindi ito makakaapekto sa paggunita ng Undas ngayong taon.
















