Magsasagawa ng motu proprio investigation ang House Committee on Legislative Franchises kaugnay ng prangkisa ng Solar Para sa Bayan Corporation, bunsod ng mga isyung may kinalaman sa pagsunod sa batas at proteksyon ng mga konsyumer.
Inihain ni PhilRECA Party-list Rep. Presley De Jesus ang mosyon para sa imbestigasyon, matapos lumitaw ang ulat ukol sa umano’y pagbebenta o paglilipat ng controlling interest ng kumpanya nang walang pahintulot ng Kongreso, kakulangan sa pagsunod sa mga kondisyon ng prangkisa, at pahayag na hindi umano operational ang kumpanya mula pa noong 2022 dahil sa mga regulatory delay.
Ayon kay De Jesus, pribilehiyo at hindi karapatan ang isang legislative franchise, kaya tungkulin ng Kongreso na tiyaking ito ay ginagamit alinsunod sa batas at kapakanan ng publiko.
Matapos maaprubahan ang mosyon, hiniling naman ni APEC Party-list Rep. Sergio C. Dagooc sa Energy Regulatory Commission (ERC) na silipin ang mga naunang isyu ng Solar Para sa Bayan sa mga lugar na pinasukan nito, kabilang ang umano’y operasyon nang walang permit, kawalan ng aprubadong taripa, at paggamit ng mga pasilidad ng Occidental Mindoro Electric Cooperative nang walang pahintulot.
Binigyang-diin ng Power Bloc na matagal na nilang tinututulan ang pagbibigay ng malawak na nationwide franchise sa iisang pribadong kumpanya, dahil mahirap umano itong bantayan at taliwas sa lokal na katangian ng electric distribution.
Nilinaw ng grupo na hindi pa hinuhusgahan ang resulta ng imbestigasyon at layon lamang nitong ilabas ang lahat ng katotohanan bago magpasya ang Kongreso.
Iginiit din ng Power Bloc na ang pagbibigay ng prangkisa ay dapat nakabatay sa kakayahan, record ng pagsunod sa batas, at tunay na kakayahang maglingkod sa publiko, lalo na sa pagsusulong ng abot-kaya at maaasahang kuryente sa mga kanayunan.










