Napapanahon na umano para mapadalhan ng contempt order o ipaaresto ang ilang personalidad na patuloy na hindi dumadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ay kasunod ng ilang ulit na pag-imbita sa kanila, ngunit nananatili pa rin ang kanilang hindi pagdalo dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang posibleng pagtatago kaugnay ng kaso.
Kabilang dito ang dating House Appropriations Committee chair na si Zaldy Co, at iba pang high-profile personalities na sangkot sa flood control scandal.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson, kinakailangan munang magkaroon ng pormal na pagdinig ang komite bago maipatupad ang contempt order laban sa kanila.
Katwiran ng batikang senador, dapat maging patas ang paglalapat ng contempt order sa lahat ng iniimbitahang resource persons.
Hindi aniya makatarungan na ang mga naunang dumalo, gaya ng contractor na si Curlee Discaya, ay agad pinatawan ng contempt, samantalang hinahayaan lamang ang iba na balewalain ang paanyaya ng Senado.
Sa kasalukuyan, wala pang itinakdang petsa kung kailan muling magsasagawa ng pagdinig ang naturang komite.
















